Ang blog na ito ay patungkol sa aming mga kagustuhan at kung paano namin naeenjoy ang mga ito.
Sunday, August 15, 2010
M.U: Mutual Understanding o Magulong Usapan? (Jhezelle Santos)
Narinig mo na ba ang terminong M.U? Mutual Understanding pero para sa akin, isa itong magulong usapan. Ito yung parang kayo, pero hindi.Tinutukoy nito ang isa't-isa sa espesyal na paraan, pero walang pananagutan. Walang nanliligaw, walang sinasagot. Di ka sigurado sa papel mo sa buhay niya. Di ka dapat umasa na lagi siyang nasa tabi mo. Di ka dapat maghabol. Hindi ka pwedeng mag-selos. Walang TAYO pero may IKAW at AKO. Higit sa magkaibigan pero mas mababa sa magka-ibigan.
Ganyang ganyan ang sitwasyon ko ngayon... magulong usapan. Nagkakilala kami sa isang clan. Nagkatext, nagkatawagan, nagkulitan at nag-asaran sa pamamagitan ng text. At isang araw nagkita kami, at pagkatapos ng pagkikita naming iyon ay madalas na kaming nagkikita at nagkakasama. Nahulog ang loob namin sa isa't-isa. Pero may isang malaking problema sa kung anong relasyon man meron kami... may girlfriend siya.
Usapang puso sa puso, magkahawak ang kamay, gumigimik magkasama, sandalan sa balikat, mahigpit na yakap, goodbye kiss at malambing na papuri. Pero, M.U lang? Tsk, tsk... Ang sakit!
Noong July 20, magkasama kami. Nagpunta ako sa kanila dahil hindi ako nakapunta nung birthday niya, July 19. Mula alas-kuwatro ng hapon hanggang alas-otso ng gabi ay magkasama kami sa bahay nila kasama ang mga pamangkin niya. Pero nang dumating na ang nanay niya, nagpaalam na ako na uuwi na ako. Hinatid niya ako hanggang sa amin, sa Hagonoy. Ang sarap talaga ng pakiramdam kapag kasama mo ang taong mahal mo. Gusto kong maging kami, pero alam na alam kong hindi pwede.
Noong July 24 ay magkasama na naman kami. Nagpunta kami sa kanila, kasama ang iba naming ka-clan. Nag-inuman lang sila sa kanila. Pagkatapos nilang uminom ay hinatid na niya ako sa Hagonoy. Di pa ako umuwi noon. Nagpunta pa kami ng bayan ng Hagonoy, nanood ng Sacs Night. Tapos nagpalit kami ng cellphone nung gabing yun, di namin alam ang dahilan namin kung bakit pareho naming gusto magpalit ng cellphone. Nagtrip lang siguro kaming dalawa. :)
Mahal na mahal ko na talaga siya, iba na ang nararamdaman ko.
May mga bagay na kahit gusto mo, kailangan nang bitawan. May mga tao na kahit napapasaya ka, kailangan iwasan. May nga desisyon na dapat gawin kahit napipilitan lang. At may mga pagkakataon na kapag ginawa mo ang tama, ikaw pa din ang nahihirapan.
Sinubukan ko siyang iwasan, pero di ko din nakaya.Tiniis ko siyang di replayan at di sagutin ang mga tawag niya, pero di ko naiwasan. Naisip ko kasi nung mga oras na iyon na masasaktan lang ako sa kanya, dahil nga may girlfriend siya. Pero nitong July 27 ng madaling-araw, mga ala-una na noon ay tumawag siya. Nasa labas daw siya ng bahay namin, tinignan ko naman. Lumabas ako at nakita ko na nandun nga siya. Lasing pala siya at nangungulit, nagpunta lang pala siya para manghingi ng isang halik. Para tumigil na at umuwi na siya ay binigay ko naman sa kanya ang gusto niya.Hianlikan ko siya sa pisngi niya. At pagkatapos noon ay umuwi na nga siya sa Malolos. Di ko alam sa sarili ko kung bakit ako nagpapakatanga para sa kanya. Pero ito na lang sinasabi ko sa sarili ko, "Matiyaga lang talaga ako sa mga taong sobrang mahal ko.".
Nagkita na naman kami nung July 30, nagpalit na ulit kami ng cellphone. Kinabukasan noong July 31, ay magkasama na naman kami. Birthday ng kabarkada ko at kasama ko siyang nagpunta doon. Pinakilala ko siya sa mga kabarkada ko bilang kaibigan o katropa. Gustuhin ko man kasing maging kami, bumabalik pa rin sa katotohanan na iba pa rin talaga yung mahal sa mahalaga.
At ang isa sa pinakamahirap na sitwasyon sa buhay kong ito ay yung gustuhin ko man na ipagsigawan sa buong mundo na mahal ko siya, ay alam ng mundo na may iba siyang mahal at alam kong di ako pwedeng makipagkompetensya sa kanya. Ang nagpapahirap pa sa sitwasyon namin ay ang pagiging malapit na magkaibigan namin. Pwede kong sabihin na kanya ang lahat-lahat, pwera lang sa nararamdaman ko para sa kanya.
Hanggang ngayon ay ganoon pa din ang takbo ng buhay namin. Mahal ko siya, mahal niya daw ako, pero mahal n iya din daw ang girlfriend niya. Iniisip ko na lang na ito ang pinakamagandang paraan para mapalapit sa kaniya. Ang pagiging kaibigan. Walang labis, walang kulang. Ito lang ang kaya niyang ipaglaban. Ayos na sa kanya ito eh. Ang magulong usapan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment