Sunday, August 15, 2010

Pagtitig sa Akin ng Crush Ko (Marion Giana Adeza)


May umiikot na text message na ganito ang nilalaman "Kapag may nakatitig sa iyo, dalawa lang ang ibig sabihin nito: may mali sa iyo o may tama siya sa iyo" Alinman sa dalawang ito ay maaaring maging posible kapag nakatitig sa iyo ang crush mo.

Kapag nakatitig sa iyo ang crush mo, masarap sa pakiramdam. Alam mo kasing may humahanga rin sa iyo. Masarap malaman na may taong ikaw ang pinag-uukulan ng pansin. Ikaw ang sentro ng kanyang mga mata at ikaw ang bida para sa kanya.

Kapag alam mong may humahanga sa iyo, para na ring hinahamon mo ang sarili mo sa maraming bagay. Gusto mo na laging maayos ang iyong itsura, nagiging pino at tama ang iyong mga kilos at nagpapakitang gilas ka. Hinahamon mo ang iyong sarili na gumawa ng mga bagay na may positibong marka sa madla at sa kanya.

Kapag alam mong may humahanga sa iyo, ayaw mong mapahiya. Syempre, hindi ka gagawa ng mga bagay na ikasisira mo.. Konting matalisod ka lang habang naglalakad ay malaking kahihiyan lalo't nakatitig siya sa iyo. Konting magkamali ka lamang ng sasabihin ay makakasira na ng imahe mo. Kung baga ay takot kang ma-turn off siya sa iyo.

Ngunit bakit nga ba gustong-gusto natin na tinititigan tayo ng mga crush natin? Kahit ako, aaminin ko, gustong-gusto ko na tinititigan din ako ng crush ko. Mayroon kasing "kilig" na nararamdaman kahit na sabihin pa nating "hindi noh!". Hindi natin maikakailang kinikilig tayo. Hindi natin maloloko ang ating sarili. Maaari din kasing sa ganitong mga "crush" magsimula ang relasyon konsumisyon, depende sa pagkaresponsable ng tao.

Sa mga pagtitig na ito, maaaring magsimula ang lahat. Dapat tayong maging responsable sa lahat ng bagay lalo na sa mga bagay na gusto natin.

No comments:

Post a Comment